“ITIGIL ang panlalamang ng mga makapangyarihan, bukal na oportunidad sa lahat at pagtigil ng wangwang sa kalsada, sa gobyerno at lipunan.” Ito ang malinaw na plano ni Pangulong Noynoy Aquino sa bansa sa loob ng anim na taong termino nito kung saan hinamon nito ang bawat isa na makipagtulungan sa pamahalaan at siguradong wala umanong maiiwan sa daang matuwid.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sinabi ng Pangulo na kung susundin lamang ng bawat Filipino ang mga nabanggit ay tiyak na manganganak ito ng kumpiyansa na magdadala ng negosyo; sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan; imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho at serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Alas-3:30 ng hapon nang dumating ang Pangulo sa Kongreso kung saan agad itong sinalubong nina Senate President Juan Ponce Enrile, Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada at House Speaker Feliciano Belmonte at dumiretso sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).
Tiniyak ng Pangulong Aquino na sa mga susunod pang taon ay marami pang pintuang pangkabuhayan na magbubukas sa pamamagitan ng turismo at hindi magugutom ang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas sa agrikultura gayundin ay mabibigyan ng puhunan ang mga dating walang wala.
Nakiusap ang Pangulo sa publiko na magkaroon ng bukas na mata sa mga bagong estilo ng pamamahala sa kanyang administrasyon dahil sa pamamagitan lamang umano ng pagkakaroon ng bukas na mata makikita kung ano ang tama.
“Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong tinatahak ng ating bayan.Isang bansa kung saan ang pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na dinaanan natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka,” paliwanag pa ng Pangulo. Idinagdag pa ng Pangulo na ang mga Filipino ang pumili sa kanya para lumikha ng gobyernong tunay na nagtatrabaho kung kaya naman sisiguruhin nitong hindi na babalik ang bansa sa dating kalagayan nito.
Hinamon pa ng Pangulo ang mga Filipino na tapusin na ang kultura ng negatibismo bagkus ay iangat pa ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon.
Itigil na rin umano ang paghihilahan pababa at ang dating industriya ng pintasan na hindi maitakwil at dapat nang iwaksi na po natin at tuldukan ang pagiging utak-alimango.
Tiniyak din ni Aquino na ipaglalaban ng gobyerno ang mga inaangkin nitong mga isla sa Spratly Islands sa South China Sea.
Ayon sa Pangulo kung dati ay hindi makuhang makapalag ng bansa sa tuwing sinisindak sa loob mismo ng teritoryo nito sa ngayon umano ay hindi na ganito ang sitwasyon dahil handang ipagtanggol ng pamahalaan kung ano ang pag-aari nito.
“Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue. Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin,” pahayag ng Pangulo kasabay ng pagsasabi na pinag-aaralan na ng pamahalaan na iakyat ang kaso sa International tribunal for the Law of the Sea.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi lamang salita ang pagsasabi nito na handang ipagtanggol ng bansa ang Spratly Island bagkus ay suportado ito ng lakas at pwersa dahil modernong kagamitan at barko ang tutulong sa militar sa pagbabantay nito sa naturang baybayin bukod pa rito ang pagbili ng mga helicopter, patrol craft at sandata.
Samantala, inamin ni Aquino na pinepersonal nito ang paghahabol sa mga gumawa ng katiwalian kung kaya’t sa kanyang mga kritiko ay hindi ito masisisi kung siya mismo ang gumagawa ng paraan upang masiguro na mapapanagot ang mga nagkasala. Bagama’t hindi pinangalanan ni Pangulong Aquino ay patukoy naman ito kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa mga dati nitong gabinete na nagkamal ng malaking pera sa pamahalaan para sa personal na interes.
Tinukoy ng Pangulo ang insidente sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong nakaraaang administrasyon sa pamumuno ni dating PAGCOR Chief Efraim Genuino na gumastos umano ng P1 bilyon para lamang sa kape.
“Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na ang mali gaano katagal man ito nanatili ay mali pa rin kung kaya’t tunay na personal sa kanya ang paghabol sa mga gumawa ng mali kahit sino pa man ito.
“Hindi puwedeng ‘Oks lang’, wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na umulit muli.
Sa kanyang SONA ay inihayag din ni Pangulong Aquino ang paghirang nito kay retired Associate Justice Conchita Carpio-Morales bilang susunod na Ombudsman, si Morales ay dumalo sa SONA at agad siyang tumayo at nagpasalamat nang banggitin ang kanyang pangalan. Si Morales umano ang magiging katuwang ng pamahalaan para sa paghahabol sa mga nagkasalang opisyal na inasahang ngayong taon umano ay mauumpisahang makakasuhan, ang nominasyon ni Morales ay una nang hinarang ni Arroyo sa Judicial and Bar Council (JBC) at ikinatwirang hindi umano independent ang mahistrado batay na rin sa mga desisyon nito at nangangamba si Arroyo na pepersonalin siya nito sa oras na mahirang sa Ombudsman
Ipinagtanggol din ni Pangulong Aquino ang desisyon nito na suspendihin ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) elections na siya umanong solusyon para makamtan ang tunay na pagbabago sa rehiyon.Hindi pinalampas ni Pangulong Aquino ang pagpuna sa bulok na sistema sa ARMM gayundin ang naganap na dayaan dito noong 2007 senatorial election.
Ang baluktot na pamamalakad sa ARMM ay pinatunayan pa ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng COA report noong 2008 at 2009 na 80% umano ang naging cash advances ng mga local na opisyal para lamang sa mga “ghost projects”.
Ipinarada rin ni Pangulong Aquino ang kanyang mga naging accomplishments sa loob ng isang taon nitong panunungkulan.
Una umano rito ang pagbaba ng bilang ng mga nagugutom na Filipino na nakakain na umano ng tama; panunumbalik ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan; unti-unting pag-alis sa mga katiwalaan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno; pagtaas ng lokal na produksiyon ng bigas dahil sa tulong ng maayos na pamamalakad sa rice productivity mula sa paggamit ng mainam na binhi at maayos na irigasyon. Hindi na umano kailangan na mag-angkat ng sobra-sobrang bigas.
Kasama rin ang pagkakaloob ng pabahay sa mga sundalo at pulis, paglilinis sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP); nabawasan ang bilang unemployment.
Samantala, kapansin-pansin na bukod sa dating Pangulo, hindi rin dumalo sa SONA ang mga anak nitong sina Camarines Sur Rep. Diosdado ‘Dato’ Arroyo, Ang Galing Pinoy partylist Rep. Mikey Arroyo at si Negros Occidental Rep. Ignacio ‘Iggy’ Arroyo.
Gayunpaman, dumalo ang mga Arroyo sa opening ng second regular session ng ika-15th Kongreso alas-10:00 ng umaga kahapon.
Boykot din ang tatlong na senador na kinabibilangan nina Senators Joker Arroyo, Juan Miguel Zubiri, at Manuel Villar.(RENE TUBONGBANUA/CES JARENCIO/LORENZO TAMPOS/RHOMMEL RENTORIA/KAREN GRAMPIL & RONALD BULA)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento